Friday, January 06, 2006



Serrano, Leopoldo R. "Mga Pangyayari sa Buhay ni Andres Bonifacio." Historical Bulletin 4.3 (September 1960 [1958]): 90-99.

[90]

Mga Pangyayari sa Buhay ni Andres Bonifacio*

Sinulat ni Leopoldo R. Serrano

Itinuturing kong isang dakilang karangalan ang pagbibigay sa akin ng pagkakataong makapagsalita sa harap ng mga piling kasapi ng makabayan at bantog na "Kapatirang Alagad ni Bonifacio, Inc." Ayon sa liham na ipinadala sa akin ng kaibigang Exequiel Villacorta, ang simpatiko at masipag na kalihim ng inyong Kapatiran, noong ika-12 ng buwang ito, ako raw ay "isa sa mga nagsaliksik tungkol sa buhay at nagawa ng ating Bayaning Bonifacio." At noong kami'y magkausap sa kanyang tanggapan sa Abenida Rizal ay hiniling niya sa akin na isalaysay ko ang ilang mga pahgyayari sa buhay ng dakilang Supremo ng Katipunan bago sumiklab ang Himagsikan dito sa ating bayan.


Totoo nga naman at di matututulan ninuman na dahop ang kaalaman ng marami sa ating mga kababayan tungkol sa kanyang buhay, mula sa kanyang kapanganakan noong ika-30 ng Nobyembre, 1863 hanggang ipahayag niya ang pagsisimula ng Himagsikan sa Balintawak, Kalookan, noong ika-26 ng Agosto, 1896, Di gaya ni Dr. Jose Rizal, wala siyang iniwang mga talang pang-araw-araw ng kanyang mga ginawa o nasaksihang pangyayari sa kanyang buhay. Kakaunti rin ang kanyang mga kasulatang titik niya na naiwan sa atin, at ang mga iyo'y nauukol lamang sa Katipunan o nagdaang Himagsikan.

Subali't ayokong biguin ang pag-asa at pagtitiwala sa akin ng mahal na kaibigang Villacorta at ng mga ilan pang nakikinig sa akin ngayon, na marahil ay nakabasa ng mga lathalaln kong lumabas sa mga magasin at pahayagan sa Maynila, lalo na yaong may-kaugnayan sa buhay ng ating mga bayani

*This address was delivered on November 30, 1958 during the symposium on the life and labors of Andres Bonifacio under the auspices of the "Kapatirang Alagad ni Bonifacio." It was held at Jack's Place, on the Bonifacio Rotonda, Caloocan Rizal.

[91]

Ang unang babanggitin ko sa inyo ay ang pagkakaroon ni Andres Bonifacio ng dugong banyaga o Kastila, gaya rin naman ng marami sa mga bayani ng ating lahi na nanguna sa kilusan sa sikularisasiyon ng simbahang katoliko, dito sa ating bayan, sa kilusan sa pagpapalaganap ng tunay na kalagayan at karaingan ng ating bayan (propaganda movement), at sa Himagsikang Pilipino, gaya nina Padre Pelaez, Padre Burgos, Dr. Rizal, Heneral Aguinaldo, at iba pa.

Ayon sa aklat na may bilang 9 ng mga ikinasal sa simbahan ng Tundo, Maynila, ang mga magulang ni Andres Bonifacio ay ikinasal sa nasabing simbahan noong ika-23 ng Ehero ng taong 1863. Ang pangalan ng kanyang ama ay Santiago Bonifacio at siya'y taga-Tondo, Maynila. Ang kanyang ina naman ay si Catalina de Castro, isang mestisang Kastila na ipinanganak sa lalawigan ng Sambales.

Isinilang si Bonifacio sa pook na tinitirhan ng mga maralita o pangkaraniwang mamamayan. Lumaki siya na ang kanyang paligid ay walang masasabing katangian maliban sa karalitaan, pananalat, at karumihan, ayon sa isang litaw na mananalaysay.

Mayroon si Bonifacio na tatlong kapatid na lalaki at dalawang kapatid na babae. Ang mga kapatid niyang lalaki ay nagngangalang Ciriaco, Procopio, at Troadio. Ang mga kapatid naman niyan'g babae ay sina Espiridiona at Maxima. Si Andres ang pinakamatanda sa pitong magkakapatid, kaya't nang sila'y maulila sa kanilang mga magulang noong si Andres ay tumutuntong pa lamang sa gulang na labing-apat na taon, siya na ang naging puno ng sambahayan (padre de familia). Samakatwid, noong hindi pa halos matatawag na binatilyo si Andres ay nagkaroon na siya ng mabigat na pananagutan: ang buhayin at palakihin, sa isang wastong paraan, ang kanyang mga kapatid na naiwanan sa kanya ng kanyang mga magulang.

Bagaman isinilang siya sa gitna ng karalitaan, di naman nagpabaya ang kanyang mga mahal na magulang na siya'y papag-aralin. Tungkol sa kanyang pinasukang paaralan o natapos sa kanyang pag-aaral, may iba't ibang palagay ang ilang mga tao na may kaalaman o nagsaliksik tungkol sa bagay na ito. Ayon sa kanyang kapatid na si Espiridiona, siya'y nagaral sa paaralan ng isang ginoong nagngangalang Serrano. Maari kayang ang tinutukoy ni Espiridiona ay ang paaralan sa Binondo ni G. Pedro

[92]

Serrano-Laktaw? Ayon naman kay Manual Artigas y Cuerva, kilalang mananalaysay ng ating bayan, doon sa paaralan ni G. Guillermo Osmeña, isang gurong taga-Sugpu, pumasok si Andres. Ganito rin ang paniniwala ni G. Teodoro A. Agoneillo, ang mag-akda ng kasaysayan ng buhay ni Bonifacio na may pamagat na The Revolt of the Masses. Ang nasabing paaralan ay nasa Meisik, Maynila. Sinabi pa rin ni G. Agoncillo na si Andres ay sa mababang paaralan (escuela elemental) lamang nakapag-aral, dahil sa sunod na pagkamatay ng kanyang ina at ama. Subali't may iba namang palagay si Dr. Pio Valenzuela, isa sa mga haligi ng Katipunan at kasama at kumpare pa ni Bonifacio. Ayon kay Dr. Valenzuela, si Andres ay umabot sa ikatlong baitang ng segunda enseñanza o mataas na paaralang pribado, na kung tawagin ay Latinidad. At noong panahong iyon ay mayroong tatlong gayong paaralan sa Tundo.

Ayon naman sa yumaong si G. Jose Lopez del Castillo y Kabangis, naging punong mananaliksik ng Kawanihan ng mga Aklatang Bayan, si Andres ay nag-aral sa paaralan ni Epifanio del Castillo, na balita sa tawag na Maestrong Paño at itinuturing na Decano de los Maestros de Primera Enseñanza de Filipinas sa Tundo. Ang kanyang paaralan ay naroroon sa Daang Ilaya at malapit sa Plasa Leon XIII, at kilala sa pangalang Primera Escuela Primaria de Niños de Tondo. Ibinatay ni G. Jose Lopez del Castillo y Kabangis, na anak ni Maestrong Paño, ang kanyang paniniwala na si Bonifacio ay sa paaralan ng kanyang ama nag-aral sa isang nilagdaan at sinumpang pahayag ni G. Urbano Cruz, madalas tagurian si Bonifacio ng mga katipunero na "Bata ni Maestrong Paño."

Kung primera enseñanza lamang ang natapos ni Bonifacio, magiging sapat na ba iyon upang siya'y makapagsalita ng wikang Kastila? May tatlong lalaking naging kilala sa Tundo ang nag-aral sa paaralan ni Maestrong Paño: Si Timoteo Paez, kaibigan ni Dr. Rizal, si Nicolas Zamora, taga-pagtatag ng Iglesia Evangélica Metodista en las Islas Filipinas, at si Moises Buzon, taga-pagtatag ng Iglesia Evangélica Unida de Cristo. Ang mga lalaking ito'y naging mahusay sa pagsasalita ng Kastila.

Naragdagan ang karunungan ni Bonifacio at ang kanyang kaalaman sa wikang Kastila sa pamamagitan ng pagkakaroon niya ng mga mabuting aklat at ng matiyagang pagbabasa niya ng mga

[93]

iyon kung gabi. Ang mga aklat niyang laging binabasa ay ang mga sumusunod: La Historia de la Revolucion Francesa, Noli Me Tangere, El Filibusterismo, Les Miserables, Indio Errante, Las Ruinas de Palmira, Ang Biblia, Batas Pangdaigdig, Kodigo Penal at Sibil, Buhay ng mga Panguno ng Estados Unidos, mga nobela ni Dumas, at ilang libro ng panggagamot. Ayon kay Espiridiona, ang mga aklat sa batas na kanyang binabasa ay pag-aari ni Emilio Jacinto, at ang mga aklat naman sa panggagamot ay kay Dr. Pio Valenzuela.

Totoong mahilig si Bonifacio sa pagbabasa, ayon kay Espiridiona na kung tawagin niya ay Nonay. Naging kaugalian niya ang magbasa ng mga aklat kung gabi, at, ayon naman kay Dr. Valenzuela, madalas na hindi siya natutulog dahil sa pagnanais niyang mabasa ang kanyang mga aklat. Samakatwid, sa pamamagitan ng pagbabasa niya ng mga aklat na nasusulat sa wikang Kastila, nagagawa niya ang pagtuturo sa sarili at pagdadagdag sa kanyang kaalaman sa matamis na wika ni Cervantes, anupa't naisalin niya sa Pilipino ang Ultimo Adios ni Dr. Rizal. Hangga ngayo'y hinahangaan ng mga mananagalog ang gayong pagkakasalin.

Ang kanyang mga aklat ay nilamon ng apoy nang masunog ang kanyang bahay samantalang siya'y nasa Kabite at pinalalaganap ang Katipunan. Dahil sa kasakunang iyon, nagkapalipat-lipat silang mag-asawa ng tahanan. Ayon kay Wenceslao E. Retana, ang mga kasulatan niyang pangsarili ay iniingatan niya sa bodega ng Fresell and Company. At ang mga kasulatang yoo'y sinamsam ng Guardia Civil Veterana ng Maynila nang matuklasan na ang Katipunan.

Nang ang magkakapatid ay maagang maiwanan ng kanilang mapag-arugang magulang, paano sila nabuhay sa ilalim ng pag-aaruga ni Andres na noo'y may gulang lamang na labing-apat na taon? Pinanghinaan ba ng loob si Andres? Naging mainam kaya ang kanilang pagsusunuran at ang kanilang bagong paraan ng pamumuhay?

Agad umisip si Bonifacio ng paraan ng pagkita ng sapat na magugugol upang sila'y mabuhay. Gumagawa siya ng mga baston at mga abanikong papel na kanyang ipinagbibili pagka-tapos mayari ang mga iyon sa tulong ng kanyang mga kapatid. Sa paggawa ng mga baston at abaniko, ayon kay Espiridiona, si

[94]

Andres ang pinakakapatas o tagapagturo. Nakahilera ang mga magkakapatid, samantalang sila'y gumagawa. Kung hindi tumpak ang paggawa o pagkayari, halimbawa ng isang abaniko, ay itinuturo ni Andres ang paraan ng paggupit ng papel o paglapat o pagdikit sa kinayas na kawayan upang maging maganda ang abaniko kung mayari. Minsan ay napagsalitaan niya si Ciriaco, sapagka't nagalit ito at pinagsira-sira ang ilang yaring abaniko dahil sa ginawang panunukso sa kanya ni Nonay. Tinutulungan din sila ng kanilang Manong Andres sa paglalako ng mga nayaring baston at abaniko pagdating niya mula sa bahay-kalakal na pinapasukan niya. Kahit na mababa ang pinag-aralan ni Bonifacio mayroon siyang dalawang katangian na nakatutulong sa kanilang hanap-buhay: ang kahusayan niya sa pagsulat at paggawa ng mga kagamitan sa tahanan. Nakagagawa siya ng mga paskel para sa mga bahay-kalakal. Nilalagyan niya ng magagandang dibuho, na may iba't ibang kulay at anyo, ang nayayari nilang baston at abaniko. Ang baston ay yari sa palasan. Nang marami nang makagugusto sa kanilang mga ipinagbibiling baston at abaniko, pinayagan niyang pati ng ilang kababata nilang kapit-bahay ay tumulong sa kanila at kumita ng salapi.

Lumalaki sila ay lumalaki naman ang gastos sa bahay nila kaya't napilitan ang mga lalaki ng sambahayan ni Bonifacio na humanap ng ibang gawain sa labas ng tahanan. Pumasok si Bonifacio na isang kawani o mensahero sa Fleming and Company. Naging bantay siya pagkatapos ng bodega ng Fresell and Company. Ang dalawang samahang ito sa pangangalakal ay pagaari ng mga Ingles. Nang magsimula ang Himagsikan ay naglilingkod pa rin si Bonifacio sa Fresell and Company Hindi lamang siya mensahero ng Fleming and Company, kundi ahente pa rin ng mga bagay na ipinagbibili ng nasabing bahay-kalakal.

Tungkol sa kanyang paglilingkod sa dalawang nabanggit na bahay-kalakal, ganito ang sinabi ng kilalang mananalaysay na si Austin Craig:

Siya (si Bonifacio) ay tapat, mag-kakayahan, matalino, mahusay na sumulat, at masunuring manggagawa. Dahil sa mga ito, nakamtan niya at ginampanan ang isang may-pananagutang puwesto sa isang samahang pag-aari ng taga-ibang lupa, na doo'y siya'y tagapagbantay ng bodega at kawani sa

[95]

dala ng mga kalakal, at ligtas siya sa mga pahamak ng maraming mga Kastilang nangangasiwa sa mga gawain, bagay na nakapag-papahina ng loob sa anumang paghahangad ng mga Pilipino tungkol sa pangunguna o pagkakaroon ng mga mabubuting hangarin. Si Bonifacio ay nagkaroon ng maraming kakilalang mga taga-ibang lupa na ang mga ito'y nakasundo niya dahil sa kanyang kakayahan sa pangangalakal at mula sa kanyang mga kababayan naman ay nagkaroon siya ng mabuting pagtingin at pagkakatanyag.

Dahil sa lumapad ang papel ni Bonifacio, gawa ng kanyang mabuting panunungkulan sa Fresell and Company, nangyaring ang kanyang dalawang kapatid na lalaki ay napasok upang mag-lingkod sa Perokaril. Bago nangyari ang himagsikan, si Ciriaco, na siyang sumunod kay Andres, ay naging konduktor ng tren. Si Procopio naman ay naging paktor sa himpilin sa Tatuban.

Nang sumapit si Bonifacio sa katamtamang gulang upang, wika nga'y, lumagay na siya sa tahimik, lumigaw siya sa isang dilag na kapit-bahay niya, na nangangalang Monica (Dorotea Tayson ayon kay G. Jose P. Santos). At siya ang naging unang asawa niya. Nguni't pagkaraan ng mahigit na isang taon ay namatay ang babaing ito sa sakit na ketong. Alam na natin na muling nag-asawa siya, at ang babaing naging ikalawang asawa niya ay si Gregoria de Jesus, anak ni Nicolas de Jesus, na naging gubernadorsilyo ng Kalookan. Ikinasal sila noong 1892 at nagkaroon sila ng isang anak na lalaki, na Andres din ang pangalan, na di nagtagal ang buhay at namatay sa sakit na bulutong. Bininyagan ang batang ito sa katedral sa loob ng Maynila noong 1895 at ang nag-anak ay si Dr. Valenzuela.

Ganito ang pagkakalarawan ni Heneral Santiago Alvarez sa bahay na tinirhan ng magasawang ito.

"Ang bahay na tinitirahan ng Supremo Andres Bonifacio, na takda ang palarindingan at pawid ang bubong, kainaman ang laki bagaman mababa ang silong na nakatayo sa nayon ng San Ignacio o Bambang, ng daang Serbantes (Ngayo'y Abenida Rizal)." Ang nasabing bahay ay nasunog noong ika-9 ng Abril ng taong 1896.

Sa lahat ng mga isinulat ni Bonifacio ay Pilipino* ang kanyang ginamit. Ang kanyang Samahan ng Bayan, Sa Panganga-

*Pilipino -- ito ang bagong katawagan sa Wikang Pambansa -- ang Tagalog.

[96]

lakal ay masasabing gabay o unang hakbang sa pagkakaroon sa ating bayan ng pagtutungtungan sa pagtitinda (cooperative marketing). Sa unang bilang ng Kalayaan, ang tagapamansag ng katipunan, lumabas ang kanyang Ang Dapat Mabatid Ng Mga Tagalog at ang tulang may pamagat na Pag-ibig sa Tinubuang Lupa. Isinulat din niya sa Pilipino ang Ultimo Adios ni Dr. Rizal. Ang kanyang mga sulat sa kanyang mga kasama sa himagsikan ay sa tagalog din nakatitik.

Bagaman kakaunti ang mga kasulatan, na titik ng kamay ni Bonifacio, ang mga iyo'y totoong malalaman at mahahalaga, kung ang pag-uusapan ay ang pagka-makabayan at pag-ibig sa tinubuang lupa. Ayon kay G. Epifanio de los Santos, ang mga aral, paninindigan pag-ibig sa bayan, at mga bagay na dapat malaman at isagawa ng ating mga kababayan, na nababanggit na lahat ng mga isinulat ni Dr. Rizal at Plaridel ay nasasaklaw at matatagpuan sa tatlong kasulatan ni Bonifacio: Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog, Pag-ibig sa Tinubuang Lupa, at Katungkulang Gagawin ng mga anak ng Bayan.

Bakit siya naging mahusay sa pagsasalita at pagsulat sa wikang tagalog? Nabilang siya sa isang samahan ng mga lumalabas sa dula o moro-moro sa Palomar. Noong 1887, itinatag nila ang Teatro Porvenir, at madalas siyang kasali sa moro-moro na itinatanghal ng kanilang samahan. Ayon kay G. Teodoro A. Agoncillo, binabago niya ang mga pangalan at mga tagpo sa mga dulang kanilang itinatanghal at pinapalitan ang mga iyon ng mga pangalan o katawagan sa tagalog.

Bayaan naman ninyong ako'y maglahad ngayon ng ilang mga pangyayari sa buhay ng ating bayani, na di alam ng marami sa ating mga kababayan.

Ayon kay Espiridiona, ang kanyang Manong Andres ay may hilig sa musika. Pagdating niya sa kanilang bahay mula sa kanyang pinapasukan na nasa harap ng himpilan ng tren sa Tutuban, tatawagin niya si Nonay upang awitin ang mga awit na kanyang itinuro sa kapatid na babae, gaya ng Trobador, La Constancia at Abanico. Samantalang si Nonay ay umaawit, nakaupo naman sa kanyang silya si Andres at makikinig na mabuti. Nagtatawa siya tuwing mapansin niya na mali o wala sa ayos ang pag-awit ng kapatid.

[97]

Hindi maselan sa pagkain si Andres. Kinakain niya ang bawa't idulot sa kanya sa hapag-kainan. Gustong-gusto niya ang isda at gulay. Lagi na lamang may-gana sa pagkain. Dahil sa pagbabasa ni Bonifacio ng mga sulat ng panggagamot, marami siyang bagay na natutuhan sa pagtulong at pagdamay sa may-karamdaman. Kung mayroon siyang kapit-kabay na may sakit o nasugatan, ipinasusundo siya upang tingnan niya at gamutin.

Dahil sa paglilingkod niya sa dalawang bahay-kalakal ng mga ingles, masasabing nakaiintindi siya ng kaunting ingles. Dapat nating malaman na noong huling kalahati ng nakaraang dantaon, ang malaking bahagi ng kalakal dito sa ating bayan ay nasa kamay ng mga ingles. At may mga kawaning pilipino sila na ipinadala nila sa Hongkong, Singapore, at Calcutta upang magsanay sa pangangalakal at sa pagsasalita ng ingles.

Mahigpit si Andres sa kanyang dalawang kapatid na babae. Halimbawa, ayaw niyang makikita si Nonay na nakapamintana kung may nagdadaan sa tapat ng kanilang bahay na mga binata. Kung siya naman ay dinadalaw, upang makausap, ng isang binata, ang gagawin ni Andres ay tatawagin si Maxima at iuutos na matyagan si Nonay at isumbong sa kanya kung makikita sa kanyang kilos o pakikipagusap sa panauhing binata, ang kawalan ng kahinhinan o kabutihang-ugali na dapat taglayin ng isang dalagang tagalog.

Ang totoo, bilang puno ng sambahayan, laging nasa isip ni Andres and kapanatagan at kabutihan ng kanyang mga kapatid. Sapagka't nang itatag niya ang Katipunan ay laging nasa panganib ang kanyang buhay, madalas niyang sabihin kay Emilio Jacinto, ang kanyang kanang kamay, na siya ang titingin at mag-aalaga sa kanyang pamilya kung may anumang kapahamakang darating sa Supremo. Dahil sa tiyaga at mabuting paraan ng pagkupkop ni Bonifacio sa kanyang mga kapatid, ayon kay Espiridiona, hindi naman sila totoong napakahirap, gaya ng pagkakalarawan sa kanila ng ibang mga manunulat.

May mga pangyayari pa sa buhay ng Dakilang Dukha na maari kong banggitin, ngunit ayokong pakahaba ang aking panayam.

Itulot po sana ninyo na, sa aking pagtatapos, ay magbigay

[98]

ako ng ilang kuru-kuro tungkol sa dakilang "Ama ng Demokrasya" sa ating bayan.

Ang buhay ni Bonifacio, noong siya'y wala pang dalawampung taon, ay isang matinding hagupit sa ating mga kabataan ngayon, na tanyag sa tinatawag na juvenile delinquency o teenagers' hooliganism. Sa halip na maglakuwatsa siya, magpasikat, manggulo, at pabayaan ang kanyang mga maliliit na kapatid, tinuruan niya silang magkaroon ng marangal na hanap-buhay, gumawa, magpatulo ng pawis, maging maingat at maayos sa kanilang kilos at ugali, at umibig sa Inang Bayan at sa kanilang mga kababayan.

Noong kanyang kapanahunan, na ang mga lider o nangunguna sa mga kilusang pambayan ay ang mga marurunong at mga may-kaya nating mga kababayan na mga nagtapos sa mga matataas at tanyag na paaralan sa Maynila at sa mga bansa sa Europa, ipinakilala ni Bonifacio na siya man, sa tulong ng mga maliliit at mangmang na mga kababayan niya ay may-kaya, may-lakas, upang hamunin at iwasak ang masamang kapangyarihan ng mga kastila at prayle sa ating bayan. Nguni't ngayon, ano ang ating nasasaksihan? Walang pagkakataon, laluna sa politika at paghawak ng matataas na katungkulan sa pamahalaan, ang mga mahihina, ang mga maliliit. Kaya't ang nangyayari, gaya noong panahong nagdaan, ay ito: ang nagtatamasa ng ating kayamanan, ng pinagpapagalan ng angaw-angaw na mga kababayan natin, ay ang mga nariritong dayuhan at ilang mga kababayan natin na nagsasamantala sa kapangyarihan o kaya'y nakikipagsabuwatan o napakakasangkapan sa mga dayuhan.

Naiisip kaya natin na ang marami sa ating mga kababayang naninirahan sa ating mga sityo o nayon ay namumuhay nang gaya ng pamumuhay ng kanilang mga ninuno nang bago pa lamang sa ating dalampasigan ang mga mananakop na mga kastila? Di ba ng ganitong api at dustang kalagayan ang tinutulang mahigpit ni Bonifacio upang, sa pamamagitan ng lakas at sandata, ay dumating ang BAGONG ARAW na likha ng isang bagong lipunang nais niyang humalili sa bulok na lipunang itinatag at pinapanatiling mahigpit na tatlong daan taon ng mga kastila sa ating Kapuluan?

Sa kanyang Katungkulang Gagawin ng mga Anak ng Bayan ay sinabi niya: "Ang katwiran ang nagsasabi sa atin na

[99]

tanging sa ating sarili lamang tayo dapat umasa at di dapat ipa-ubaya sa kanginuman ang ating mga karapatan sa buhay." Nguni't ano ang ating ginagawa ngayon? Di ba sa ating palagay ay hindi tayo maaring mabuhay kung mawawala ang tulong ng mga Amerikano? Di ba halos ang lahat ng mga sangay ng ating pamahalaan ay ipinauubaya natin sa di-umano'y dalubhasang mga amerikano? Di ba lagi na lamang nating binabanggit na ang ikatutuklas at ikalilinang ng ating mga likas na kayamanan ay mangyayari sa pamamagitan ng sa puhunang dayuhan na ating laging hinihintay? Ano't nangyayari dito na may mga lider tayong humaharap sa bayang manghahalal na ang issues ay ang kanilang pagkamaka-amerikano? Ano't may mga kababayan tayo na ang paniwala ay nasa mga pulahang banyaga ang katubusan ng mga maliliit nating kababayan?

Ano pa ang sinabi niya sa kanyang Katungkulang Gagawin ng mga Anak ng Bayan? Aniya: "Ang katwiran ay itinuturo sa atin na magkaisa ng damdamin, isipin, at layunin, upang mag-karoon tayo ng kailangang lakas upang lupigin ang kasamaan na sumisira sa ating mga kababayan." Tayo ba ngayon. bilang isang bansang nagsasarili, ay may pagkakaisa ng damdamin, isipin, at layunin? Di ba dahil sa pamamayani dito ng mga banyaga ay tayo'y nagkakabahabahagi? Di ba maituturing nating ang Pilipinas, na bayan nating mga Pilipino, ay Paraiso ng mga banyaga sa ating baya'y makialam sa paghubog sa isip ng ating kabataan, sa ating pananampalataya, sa ating pamahamahalaan, sa ating mga balak o gawaing may-aring pangkabuhayan, at sa ating mga pahayagan at himpilan ng mga radyo at television? Ang mga ito ba'y magagawa ng mga pilipino na naninirahan sa Hapon, Estados Unidos, Espanya o Inglatera?

O, totoong kailangan natin at napapanahon pa ang pagtalima at pagpapalaganap sa mga simulain at halimbawa ni Bonifacio at sa "Diwa ng '96."

*

I hold it a noble task to rescue from oblivion those who deserve to be eternally remembered.
-- Pliny the Younger.